Sa pagtatapos ng isang ala-ala
Nais kong muling may makita
Na sa totoo ay walang halaga
Ang lahat ng mga ilusyon at katha
At sa aking pag-alis
Sa daan na aking paglihis
Ay maaninag ang isang pag-asam
Maalala na ang oras ay hiram
Na walang kabuluhan ang mga ngiti
Na walang ibang minithi
Kundi magpaliban at manlinlang
At sa lahat ay mapailanlang
Ng mga hinaing na walang makakarinig
At yakap ng malalamig na bisig
Sa mga matang wala ng lakas
Na humarap at tumingin sa bukas
Sa pag-asang nanghihina
Sa taong ibig magpahinga at mawala
Sa mga pangarap na hindi maabot
Bangkang papel sa gitna ng laot
Sa mga salitang walang laman
Gaya rin ng damdaming nasasaktan
Paglimot sa lahat ng sakit
Katuwaan sa bawat pait
Pagyakap sa bawat dilim at gabi
Pagsasalita, walang makakaintindi
At sa pagharap sa bawat umaga
Maiisip na hindi tama ang umasa
Na may mangyayari ng walang dahilan
At may gagawa sa harap ng karimlan
Kaya babangon at tatayo
Sa lungkot pipiliting lumayo
Sapagka't may bibigyang saya
Pangako ng mga salitang may pag-asa
Sa pagsasalita sa madla
Sa pagninilaynilay, sa pangunguna
May nangangailangang higit
Sa lakas ng bantay; ng nasa gipit
At sa kanyang hinahon at alalay
Kahit na siya ay laon ng nangangalay
Kaya babangon at tatayong muli
Ang mga ngiti ibabalik sa labi
Kahit gaano kasakit ang pakiramdam
Walang sinuman ang dapat makaalam
Sapagkat ang bawat gabi ay pagpanaw
At ang umaga ay may sikat at linaw
At ang pagpapahinga ay malaon pa
Siya ay kailangan ngayon na
At sa pagtatapos ng isang ala-ala
Nais kong muling may makita
Kahit isang gitling na halaga
Ng ginugol na lakas at sigla
Muling pagyakap sa dilim ay harapin
Upang sariling liwanag ay aking kamtin
--Vash--9:27pm, Aug.29, 2008
Saturday, September 13, 2008
Subscribe to:
Post Comments (Atom)
1 comment:
-- aLam ko rin toh :) ♥♥♥
Post a Comment